REMEMBER ME THIS WAY


Tuesday, January 25, 2011

The Plea of the Middle Child


Sa tuwing nakakakita o nakakarinig ako ng mga bata tuwing hapon sa tapat ng bahay namin, hindi ko maiwasang lumabas ng bahay at silipin sila kahit sandali o di kaya, panoorin sila ng matagalan... kung paano sila naglalaro, kung gaano sila kasaya, at kung paano sila maging isang bata. Sa tuwing napagmamasdan ko sila, kahit papaano naiguguhit ko ang aking sarili sa isang larawan na dati ko pang inilalarawan, at kahit papano, ito'y nabibigyan ng katuparan, maski pa sa guni-guni lang.

Muli, sinusulat ko ito ngayon hindi sa anu pa mang pansariling dahilan.... ngunit upang magsilbing inspirasyon sa mga taong katulad ko rin na sadyang may mga ambisyon at nais na umunlad ngunit maaaring dahil sa mga mapapait na karanasan ay nasusulyapan pa din hanggang sa kasalukuyan ang pagdurusa ng kalooban na nagbubunga ng hirap na mag-isip ng positibo at dalhin ang mga pangarap tungo sa realidad o sa katuparan nito.

Sabihin man ng iba na ang nakaraan ay nakaraan na at nararapat lamang na tapusin at limutin na, ngunit hindi pa din mababago nito ang katotohanan na ang nakaraan ay isang patay na patuloy na namumuhay. Sapagkat ang nakaraan ay ang mga pinag-ugatan ng mga kaganapan sa kasalukuyan... Sa puntong ito, nais kong patunayan sayo na hindi ka nag-iisa, hindi ka kakaiba, at walang mali sa pagkatao mo. May paliwanag ang siensiya (science) tungkol sa nangayare sayo kaya kung sisiyasatin mo ang arrangement o ang pagkakasunud-sunod ng kapanganakan niyo ng mga kapatid mo na nakasama mo mula pa sa iyong pagka-bata hanggang sa iyong kamulatan, at kung nagkataong pumatak ka na gitna o ang tinatawag na Middle Child, marahil, nagkataon lamang na napabilang ka din sa mga Middle Child na nagtataglay ng Middle Child Syndrome.

Bago natin pasanin ang kasalukuyang problema ng ating kapaligiran, ng ating kapitbahay at maging ng ating gobyerno, at ng buong Pilipinas maging labas ng ating Bansa o maski pa ng buong mundo, magsimula muna tayo sa mga taong maaaring magpabago dito... ang ating mga sarili. Noon pa man, minarapat kong magsimulang tumuklas at maghanap ng mga maaaring maging kasagutan sa mga dinanas at dinaranas ko, na maaaring dinanas, dinaranas o dadanasin pa lamang ng ibang tao. Sapagkat higit kaninumang tao dito sa mundo na nilikha ng maykapal, ang ating sarili ang pinaka-karapatdapat nating lubos na kilalanin, unawain, tanggapin, at mahalin.

Tulad ng lumang panahon, hanggang ngayon, sadyang mahirap at lubos na napaka-hirap na makipaglaban sa pakiramdam na hindi ka "belong" sa isang nakagisnan mong tahanan, at kinamalayan... ngunit mas masaklap na umasa kang sa pagharap mo sa mundo ay makadadama ka ng pagbabago... masaklap na mabigong muli. Masaklap na maramdamang lahat na lamang ng bagay ay kailangang paghirapan maging ang mga relasyon tulad na lamang ng simpleng pakikipag-kaibigan... masaklap na maghabol para lamang mapahalaghan, masaklap na iba na ang nakikita ng mga tao sa kasalukuyan mo ngunit nakatingin ka pa din sa iyong nakaraan kung saan ka nasaktan at nabigo ng todo-todo, at hanggang ngayon, nakikita mo pa din ang kasalukuyan mong pagdurusa at kabiguan bilang parte ng nakaraan, at masaklap din na sa kabila ng lahat, walang nakakaunawa sa tunay mong pinanggalingan. Masaklap na nakikita mo ang mga bagay-bagay na hindi nagiging patas sayo, ngunit iba na ang nakikita ng mga tao, na walang pagkukulang ang sinuman, na tanging ikaw lang, tanging nasayo lang lahat ng problema at kamalian... Masaklap na habang ang ibang tao ay nagsisikap na maka-gawa ng iba, para mapansin at mag-stand out sa lipunan, ngunit ikaw ay nagpupumilit na gawin, isipin at pagsanayin ang kanilang mga nakasanayan upang hindi maituring na naiiba.

Ang lahat ng ito at higit pa dito ay madalas isang katulad ko din ang nakararanas, ang nakadadama... isang ipinanganak na Middle Child na nagdurusa din sa kung tawagin ay Middle Child Syndrome. Ngunit HINDI LAHAT ng Middle Child ay may syndrome na ito. Pero para sa ilan na nagtataglay, para bang sobrang saklap ng buhay na may pagkakataong maski sariling pagkakakilanlan ay nais nang itakwil at palitan... kung sana puwede lang.


Ngunit, hindi pa huli ang lahat. Naniniwala ako. Mas kaya nating maging isang mabuting tao kaysa sa inaakala ng karamihan maging ng ating dinatnang pamilya... mas kaya nating maitama ang mga kamalian sa ating huhubuging pamilya balang-araw. Lamang man sila sa madaming bagay, ngunit mas lamang tayo sa pag-tatama ng mali upang kailanman, hindi danasin ng mga taong mamahalin at magmamahal sa atin ang kasalimuotan sa mga dinanas natin na kadalasan hindi nauunawaan ng karamihan.

Kung sarili kong kakayahan bilang isang tao ang titingnan, malamang sa malamang ay hindi ko talaga kayang baguhin ang lahat dahil sa dami ng pagkukulang ko na dapat pang punan. Ngunit, nakatingin ako sa walang hanggang kakayahan ng Diyos na siyang may lalang... kaya naniniwala ako na kaya niya akong baguhin at ibangon maski ilang beses man akong nadapa.
Tunay ngang walang imposible kung maniniwala ka.

Maniwala ka, kaya mo... KAYA NATIN.





Ito ang ibang sites na maaaring makatulong sa lalong pagkakakilala sa topic na ito... upang lalo ninyong maunawaan ang mga nararanasan ng mga kabilang sa ganitong uri ng syndrome, at para sa mga nagtataglay nito, upang mas lalo ninyong maintindihian, matanggap, at mayakap ng buung-buo ang inyong sarili.

...`Just right-click the mouse, and choose "Open link in new tab" on the following:

...`I highly recommend this site:








Share/Bookmark


NOTE: For comments, do not use 'add a comment' via facebook. It wouldn't be received by the blogger. Use default instead by clicking 'x comments' and/or 'Post a comment' below:


No comments:

Post a Comment

Blog Archive

All Rights Reserved!
 
It is the PRINCIPLES that mold the REALITY...
Copyright (c) 2008