REMEMBER ME THIS WAY


Sunday, October 21, 2012

LIMANG-PISO

**Slightly FICTION. Slightly ACTUALITY.**




“PANAHON ang pinaka importanteng bagay na pwede mong maibigay sa tao…. dahil pag yun ay lumipas na, hindi mo na maibabalik pa.”

          -  Ito ang mga salitang hinding-hindi ko makakalimutan na sinabi ng isang matalik na kaibigan.


Ako si Casey.



                Lahat ng tao ay may halaga (value). Isipin mo may business kang tindahan… di ba lahat ay ibebenta mo basta mapantayan nila ang halaga (price) na ibinibigay mo? Yun ay sa material na bagay na meron ka. Ngayon naman isipin mong maige ang mga humihingang kagaya mo na pinapahalagan mo, o kahit yung mga namumuhay na “lipas” na sa buhay mo…. hindi lang usapang pag-ibig ha! Maski pa pamilya, kamaganak, kaibigan, kapitbahay, kakilala, kapwa-tao, o kahit pa ang paborito mong alagang aso, o baboy… at sige maski love life na din basta buhay o minsang nabuhay o huminga, o kahit yung ilan na minsan mong nahiling na sana ay mamahinga na. Isipin mong maige SILA na dati mong pinahalagahan ngunit dahil sa simpleng pagkakataon ay nagising na lamang kayo isang araw na tila hindi na kayo magkakilala, na tila ni hindi niyo pinahalagahan at minahal ang isa’t isa. 


Ito ang kuwento niya…. Ni Casey.



            Ako si Cassandra. Tawagin mo na lang akong “Casey” for short. Binibigkas bilang “KC”. pero hindi na gaanong mahalaga kung ano ang pangalan ko. Ang mahalaga ay yung pag-uusapan nating dalawa. Gusto ko ibahagi ang kuwento namen ng kaibigan ko, yung best friend ko…… Tinawag ko siyang “Smiley”, kase katulad ng tawag ko sa kanya, masyado siyang masayahin… yung tipong parang wala namang nakakatawa pero nakatawa pa din siya. Sabi ko nga sa kanya ang cute-cute niya ngumiti, para siyang aso, pero imbes na sapakin ako e nginitian lang ako. “Smiley” nga! Matagal na kaming magkaibigan ni Smiley simula magkaisip ako. Bukod sa magkatapat-bahay lang kame, nag-aral din kame sa parehong paaralan… simula grade 1 hanggang 4th year college. Sa dami nga ng pinagdaanan namen ni Smiley, ni minsan yata di ko pa siya nakitang nagalit. Siya yung tipong babae na hahampasin mo na yayakapin ka pa. bibiruin mo na nang medyo masakit na biro pero imbes na simangutan ka, e i-ki-kiss ka pa. Kakaiba. Sa dami ng mga alaala naming magkasama, di ko maiwasang hindi mapangiti pag naaalala ko yung panahon na ang bilis-bilis naming maglakad, at sa sobrang bilis naming maglakad nakatapak kame ng hindi inaasahan… ng tae. Sigurado ako hindi mo na gugustuhing i-describe ko sayo kung ano ang itsura’t amoy ng naapakan namen. Bawat hakbang namen noon ay may mga nagagalit na kapitbahay… Paano ba naman napapadikit din sa sahig na inaapakan namen kaya napapalapit sa kanila at sila na tuloy ang dapat na maglinis. Dahil doon, tumakbo kami para di na kame mapagalitan. Kaso kung minamalas ka nga naman, nakatapak na nga ng nakakadiri at nakakasuka hinabol pa kame ng aso. Pero swerte pa din pala dahil hindi kame nakagat. Sobrang pula nga lang ng mukha namen sa kakatawa at sa halong maiyak-iyak na pakiramdam.Isang beses naman nakakita siya ng batang may sira-sirang tsinelas… at sa sobrang damage ng tsinelas ng bata, pati mga paa niya ay malaki na din ang mga sugat. Sa tingin ko sa malayo e parang nina-nana na. As in sugat-sugat. Inagaw ni Smiley ang atensyon ko mula sa Ukay-Ukay na tinitingnan ko papunta sa isang batang musmos.


--- “Tingnan mo Casey yung bata oh… ang liit-liit pa naghahanap-buhay na. tapos tingnan mo o ni wala siyang tsinelas.”
=== “Saan? Asaan? Ay oo nga noh. kawawa naman.”
--- “Pero alam mo ba, kung may magbibigay lang sana sa kanya ng Tsinelas na kahit mura lang ang halaga, malaki na ang tulong noon para sa kanya. Mababago na ang takbo ng mundo niya.
”===”Ha? Dahil lang sa Tsinelas mababago na ang takbo ng mundo??? Medyo O.A ka na niyan.
--- “Tsk… hindi ako O.A noh. Basta makikita mo…Minsan sa isang butil lang na magagawa mo para sa iba, malaki na ang pwedeng maging epekto nito para sa kanila. Maaari mo na silang mabuo, o mawasak.”



               Nakakatawang isipin kung minsan na sa simpleng bagay lang e nakakabuo na ng masasayang mga alaala. Mga alaalang binubuo ng mga grupo ng taong pinapahalagan ng lubos ang isa’t isa…… kung saan, sa magandang samahan ay nakabubuo sila ng matitibay na pundasyon, malalaking pag-asa tungo sa mas makinang na kinabukasan. Ngunit nakakalungkot din na ang mga simpleng bagay ay hindi lamang lageng positibo ang dala… hindi laging masaya. Minsan kabaliktaran ng positive ang nagaganap. Katulad ng simpleng pakikipag-kapwa tao ng mga lalakeng mahilig umihi sa harapan ng poste, ilang araw lang tiyak may nakapastil na na karatulang nagsasabing “Hoy!!! Bawal umihi dito! Napanghe! Kundi mapuputol ang **** mo!” Hindi pa makuntento ang iba, minsan ay may drawing pa. oh di ba comedy??? Pero kung susuriin itong mabuti, hindi siya talaga nakakatawa….. nakakadiri pala. Kase sa simpleng bagay at simpleng pagkakataon na ito, itinatapon na nila ang sarili nilang moralidad sa paraang hindi nila nalalaman, sa paraang hindi nila nauunawaan……. sa paraang para sa kanila ay wala lang. Isang bagay na hindi dapat pagtawanan, bagay na hindi dapat ipagmalaki ninuman.



                Yun ay ilan lamang sa halos libu-libong pagkakataon na nakasama ko si Smiley. Pagkakataon na minsan niyang sinulyapan ang mga simpleng bagay na hindi man lang nabibigyang pansin ng karamihan… katulad ng isang paslit na sa ilang dahilan ay maaaring magsilbing babala sa mas lumalalang kahirapan… na dapat na itong solusyunan. sa halagang 200 pesos na tsinelas ay maaaring mailagay sa panganib ang inosenteng bata, ngunit sa parehong halaga din ay maaaring maisalba ang kanyang buhay. Halagang 200 pesos kapalit ng kaligtasan ng isang batang nagsisikap pa para gumanda ang buhay..sa kabila ng sobrang murang kaisipan.  Dumating ang isang pagkakataon na nagkatampuhan kame ni Smiley. Simpleng harutan lang na nauwi sa Tampuhan. Sabay kase kaming nagbabasa noon ng libro ko na paborito namen dalawa. “Confessions of a shopaholic”. Kaso kasabay ng pagbabasa namen ay paghaharutan, pagaasaran, hanggang biglang nalaglag ang libro… sakto pa sa may putikan. Masaya na sana ang bonding namin noong mga oras na yon..hanggang mauwi pa sa tampuhan.


          Pagkatapos ng araw na yun, mag-i-isang buwan ko na halos di nakakasama ang best friend ko… si Sherilyn Gamboa, si Smiley. Noon namang isang beses na pagpunta ko sa bahay nila, wala naman siya. Ang kasambahay lang nila nadadatnan ko sa bahay nila maliban sa aso nilang mataba na si “Pulgas” na nasalisihan na ng tatlong beses ng mga magnanakaw dahil wala nang ginawa kundi matulog. Biyernes. Walang pasok kinabukasan. Nag-text saken si Smiley na magkita daw kame. Excited na excited na ako. Sa sobrang excitement ko, di ako makatulog. Sa wakas, pagkalipas ng halos isang buwan na tampuhan, magkakasama na kame ulet, makakapag kuwentuhan, makakapag kulitan……… Magkikita na ulet kame ng best friend ko. Yung best friend ko na napagsasabihan ko ng halos lahat ng nangyayare saken bago matapos ang araw… yung best friend ko na daig pa ang kapatid kung pahalagahan ako, daig pa ang boy friend kung mahalin ako. 


               Sabado na. Nasa lugar na ako ng tagpuan namen. Lumipas na ang kalahating oras… 30 minutes na akong naghihintay pero okay lang. Lumipas pa ang 30 mins., isang oras na akong naghihintay pero okay pa din. Halos mapudpod na ang mga daliri ko kaka-text, umaasa na may mag-re-reply at hindi mababalewala ang pag subscribe ko sa UNLITXT kagabe. Kaso wala. Sa paglipas ulet ng 30 mins. at wala pa din ang best friend ko, nagpasya na akong mag load ulet ng isandaang piso (100 pesos) para matawagan siya. Ilang beses ko nang tinawagan pero ito ang mga pamatay na linyang naririnig ko: “The number cannot be reached please try your call later.” O kaya nman: “The number you have dial is either unattended or out of coverage area. Please try your call later.” Isang oras at kalahati pa ang lumipas, tatlong oras na akong naghihintay. Napanis na ako… Gutom na gutom na ako na tila kinakain na ng mga uod sa tiyan ko ang mga natitira kong functional na bituka dahil sa matinding gutom, inip, pagod at ang nagliliyab na sama ng loob. UMUWI NA AKO.

              Kinabukasan lang, nag text si Smiley saken. “Pasensiya na hindi ako nakatupad sa usapan naten. Gusto kong magpaliwanag sayo pero gusto ko sana sa personal na. sana maunawaan mo ako.”  Ilan lang yan sa mga text niya saken na ni isang beses ay di ko ni-replyan dahil sa galit ko sa di pa maunawaang dahilan niya sa di niya pagsipot sa usapan. Tatlong oras. Tatlong oras akong nagmukhang tanga sa paghihintay mag-isa sa parang ni walang balak talagang dumating, magpakita.  Halos dalawang buwan na din ang lumipas simula noon. Wala pa din akong reply maski isa sa mga text ni Sherilyn, ang “dati” kong best friend. Hanggang isang araw, “tok-tok tok-tok”. May kumakatok sa pintuan ng aming bahay. Pag bukas ko ng pinto, gaya ng aking inaasahan, mukha niya ang tumambad sa aking harapan. Si Sherilyn nga. Ang “dati” kong best friend. Mukha siyang maputla noong oras na yun, ngunit tinatakpan ito ng isang ngiti. Lalo akong nainis. Lalo akong nagalit. Nakukuha pa niyang ngumiti-ngiti na parang wala siyang ginawa, parang wala siyang kasalanan.


--- “Hayaan mo sana akong magpaliwanag.”
=== “Umalis ka na… di ko na kailangan ang paliwanag mo sa ngayon.”


              Alam kong may mali sa kanya. Nararamdaman ko… parang may sakit siya. pero dahil sa naguumapaw na sama ng loob ko sa kanya, sinantabi ko ang kutob ko na un. Hanggang tuluyan akong nilamon ng nagbabagang emosyon.


=== “Akala ko best friend kita. Naghintay ako ng tatlong oras. Sinusubukan kitang tawagan pero nakapatay ang cell phone mo. walang silbing telepono”
--- “pero Casey, kase may………”


Di pa siya natatapos sa nais niyang sabihin…


=== “Umalis ka na! ayaw kitang marinig sa ngayon. Siguro darating din tayo diyan pero di pa nga lang siguro ngayon.”
--- “Nauunawaan kita kung di mo pa kayang mapag-usapan yan sa ngayon. Maghihintay ako hanggang kaya ko maghintay Casey. Sana dumating pa nga ang araw na yun. Pero may papakiusap pa ako sana sayo."
=== “Ano na naman ba yun???”
--- “Nalaglagan kase ako ng 500 pesos kanina. Nagkulang ang pamasahe ko. Baka naman pwede humiram kahit limang-piso lang para sumakto.
=== “HINDI. Wala akong pera. Umalis ka na… umuwi ka na!”
--- “Ano pa man ang mangyare gusto ko ipaalam sayo na ayokong mawala ang best friend ko. Ikaw lang yon.”


             Gusto ko siyang yakapin ng mga oras na yun. Gusto ko sabihin sa kanya na “Okay na… bati na tayo” pero mas nangibabaw sa isip ko ang mga alaala namin sa huli naming pagkikita, noong araw na naghintay ako ng tatlong oras… noong araw na awang-awa ako sa sarili ko dahil nagmukha akong tanga.. dahil sa alaalang yon, nabasura ang gustong gawin ng puso ko, ang yakapin muli ng mahigpit ang best friend ko.  “toktok-toktok”, nagising ako kinabukasan ng mga katok na yun na nanggagaling sa aming pintuan. “Baka si Sherilyn yon”, naisip ko. Pagbukas ko ng aming pintuan, si Tita Sheena pala. Ang ina ni Sherilyn. Nagulat ako ng makita ko siya kasama ng mga pulis. Anu kayang meron? Pinapasok ko sila sa loob ng aming bahay. Pinaupo at pinaghanda ng Chicken Sandwich at Juice.


>>> “Hindi bumalik si Sherilyn sa tinuluyan namen kagabe. Hanggang ngayon wala pa siya. nagbabakasakali akong andito pa siya, naisip ko na baka dito na siya natulog.”
=== “Hindi po Tita. Umuwi po siya. Wala pa pong sampung minuto ang tinagal niya dito.”
>>> “Alam ko nagkatampuhan kayo. pero maniwala ka, hindi yun sinasadya ng anak ko. Noong araw kase na yun, kinemo siya… Chemo therapy.”
=== “Po??? Chemo therapy? Bakit po Tita? Anu pong saket niya?
>>> “Mag-iisang taon na siyang nakikipag laban sa Cancer. Leukemia. Kung mapapansin mo, wala kami sa bahay madalas dahil maliban sa pagpapagaling niya sa karamdaman niya, dinadala ko siya malapit sa iba niyang kaibigan para makasama pa siya pero katulad mo, wala maski isa sa kanila ang nakakaaalam ng sakit niya. Ayaw niyang ipaalam dahil ayaw niyang kaawaan siya. Kung meron man siyang gustong unang mapagsabihan noon, ikaw yun. Dahil ikaw ang best friend niya.”


Hindi ko napansing biglang tumulo ang mga luha sa aking mga mata. At nasabi ko nang hindi sinasadya na “sana nalaman ko ng mas maaga pa.”


             Nakita na din si Sherilyn kinabukasan, sa wakas. Kaso ang paraan ng pagkakita sa kanya ay walang sinuman ang gugusto. Nakita siya sa may ilog, tatlong kanto papunta sa street namin. Walang saplot at puno ng saksak ang katawan. Nakita siyang wala ng buhay, isa na lamang siyang bangkay. Nanlumo ako sa aking nakita. Di ko inaasahan na kagabi na pala ang huling sandali na maaari ko siyang yakapin, halikan, at hagkan… di ko lubos maisip na kahit gawin ko yun ulit sa panahong ito, di na niya madarama. May cancer siya, pero hindi siya doon namaalam kundi sa karumaldumal na pambababoy at pagpatay ng mga criminal na ang pinagsimulan ay ang limang-pisong napagkait ko sa kanya dahil sa walang kuwentang tampo at galit na pinatira ko sa aking kalooban. Sana maibalik ko pa ang panahon, kahit isang minuto lang upang masabi ko sa kanya kung gaano ko siya pinapahalagahan……… kung gaano ko siya kamahal bilang isang matalik kong kaibigan. Naglulupasay sa sahig ang ina ni Sherilyn habang tinititigan ang malagim na sinapit ng kanyang anak… habang iniisip kung paano nagaganap ang naganap na krimen. Agad ko siyang nilapitan at inalalayan. Niyakap niya ako at inabot sa akin ang isang liham.


>>> “Sulat to’ sayo ni Sherilyn. Kase gusto niya maalala mo siya pag dumating ang panahon na wala na siya… gusto niya ipaliwanag sayo na malapit na siyang mawala pero gusto ka niya maging okay pagdating ng oras na yon. Gusto ka niya maging masaya pa din.”

                                                                                                                                                   02/18/2010
Casey,

                Hindi ko alam kung paano magsisimulang ipaalam sayo ang mga bagay na kailangan mong malaman bilang best friend ko. Casey, sobrang ikli lang ng panahon naten pero di ko inaakalang ganito lang ito kaiksi para saken. Mahirap sabihin pero alam ko na kailangan na nating tanggapin. Ayokong magulat ka sa pagdating ng araw na yun. Casey, namamatay na ako. May cancer ako, stage 3 na. Cancer of the blood (Leukemia) pero ayokong pagdumating ang araw na yun ay malungkot ka. Gusto kong ipangako mo saken na magiging masaya ka pa din. Gusto kitang lumigaya.
                Sobrang ikli man ng panahon na ilalagi ko sa mundo pero naging masaya ako. Di ko man naranasang makapag asawa at makabuo ng sarili kong pamilya pero thankful pa din ako kase binigay saken ni God ang mga taong kukumpleto ng buhay ko kahit pa hindi ko hiniling sa kanya. Tulad nga ng lagi kong sinasabi sayo noon, PANAHON ang pinaka importanteng bagay na pwede mong maibigay dahil pag yun ay lumipas na, hindi mo na maibabalik pa. Wala akong regrets na binuhos ko sa inyo ang panahon ko. Salamat sa minsang pagiging bahagi ng buhay ko. Sana di mo ako makalimutan.

                                                                                                       Your best friend,
                                                                                                        Sherilyn Gamboa (Smiley)


                Habang binabasa ko ang kanyang sulat, nagkakaron ako ng galit sa aking sarili, galit ako kase di ko siya hinayaang magpaliwanag, galit ako kase ni hindi ko siya pinakinggan. Gusto kong isiping nananaginip lang ako.. na mamaya lang ay makikita ko na siyang buhay, maaari pa akong yakapin ng mahigpit, at halikan ng sobra. Si Sherilyn ay best friend ko… hindi ko kadugo at lalong hindi ko asawa pero tinrato at pinahalagahan niya ako daig pa ng isang kadugo, minahal niya ako daig pa ng isang asawa. Maski pa sa likod ng kanyang mga ngiti ay isang nagtatagong lungkot para sa buhay na gusto pang madugtungan. Kung tutuusin siya pa ang mas nangangailangan ng pagmamahal, panguunawa, lakas ng loob, at lambing ngunit siya pa ang mas nagbigay nito… pinamalas niya lahat ng nais niyang gawin sa kanya kahit walang kapalit. Kahit walang bumalik. Kahit noong di pa niya alam na may sakit siya, nabubuhay siya na tila wala nang bukas… para bang laging ang “ngayon” ang huli niyang araw. Sana pwede siyang mabuhay ulet, kahit isang buong araw hihintayin ko siya makita at makasama ko lang siya ulet. Kaso hindi na… wala na siya.



              Nakakalokang isipin na dahil lang sa taeng natapakan at kumalat ay nagwawala na ang mga kapitbahay, dahil din sa taeng hindi nabuhusan ay nagaaway-away na ang mag-asawa at muntik na maghiwalay. Dahil sa pikunan sariling kadugo ang napaslang, dahil sa isang sira-sirang tsinelas ay nasa panganib ang buhay ng isang batang musmos, dahil sa isang boteng beer kinabukasan ay wala nang dignidad ang kaninang malinis na kababaihan, at dahil sa limang-pisong pinagkait ay lalong napaiksi ang buhay ng isang matalik na kaibigan na mamamatay na. Nakakagulantang na kadalasan walang kakuwenta-kuwentang bagay ang nagpapabago sa takbo ng buhay ng tao…. mga pangyayareng pwedeng bumuo o mangwasak. Katulad ng isang nasusunog na panty nang madaling araw na siyang pumatay ng halos singkuwentang tao na natutulog pa sa panahong yon, kabilang na ang isang babaeng nagdadalang tao at kawalan ng bahay ng mga taong lugmok na sa kahirapan. Simpleng bagay. Napaka simpleng bagay ang pinag-ugatan pero kung titingnan napaka laking bagay na pala ang naidudulot para sa buhay ng iba. 


              Ilang buhay na kaya ang naisalba nang dahil sa isang kaibigan, ilang pag-asa na ang naibangon nang dahil sa lambing, at ilang puso na ang naghilom nang dahil sa pagmamahal. Walang nakakaalam. Walang nakakaalam kung ano ang pwedeng maggawa ng mga yakap mo para mag desisyong mabuhay ang isang kaibigang magpapakamatay na, maging ang mga halik mo upang muling maitayo ang pag-asa na naglaho sa isang pagkatao sa matagal na panahon, at higit sa lahat, walang nakakaalam kung anu ang magagawa ng limang minuto mo para manatiling kumakapit ang isang taong nagaagaw-buhay.


               Napaka iksi lang ng buhay upang ipagkait pa sa mga taong pinapahalagahan at minamahal mo ang isang mainit na yakap, halik, panguunawa, pagpapatawad, pagmamahal at higit sa lahat, PANAHON. Panahon na kapag lumipas na ay hindi na muling magbabalik.






IKAW BA? ILANG PANAHON PA ANG SASAYANGIN MO?







Written last October 18-21 (Thursday-Sunday)

Share/Bookmark


NOTE: For comments, do not use 'add a comment' via facebook. It wouldn't be received by the blogger. Use default instead by clicking 'x comments' and/or 'Post a comment' below:


No comments:

Post a Comment

Blog Archive

All Rights Reserved!
 
It is the PRINCIPLES that mold the REALITY...
Copyright (c) 2008