REMEMBER ME THIS WAY


Sunday, March 31, 2013

NOTEBOOK


            Sabi nila, iba pa din daw kung magtra-trabaho ka sa Manila o sa ibang bansa. Mas mataas ang sweldo, mas madaming oportunidad, mas matataas ang mga taong maaari mong makilala. 

            Itago na lang natin siya sa pangalang “millCa”, graduate sa isang medyo kilalang Unibersidad sa Manila. (Manila, isa sa mga Bayan ng Pilipinas na binansagang Kabisera ng Lungsod ng bansa.) 22 taong gulang na siya at halos mag-iisang taon na din sa pag-ha-hanapbuhay.

Si “millCa”.

            Katulad ng halos magtatatlong buwan nang nakasanayan sa pangalawang trabaho, pag gising sa umaga (4:30 am), mag-iinit ng tubig, maliligo, magbibihis, kakain ng almusal, magtu-toothbrush, papasok sa trabaho, uuwe ng tanghali (minsan hapon na), kakain, magtu-toothbrush….. blah blah blah…. At uulet, uulet at uulet nanaman.

Kumbaga sa computer naka-program.
Ganyan ang halos araw-araw na takbo ng buhay niya…. ni millCa.


            Minsan, dahil sa madalas na sobrang pagod may mga nabubuong isipin na sa utak niya… tulad ng ordinaryong tao, katulad ng taong pagod na pagod na at gustung-gusto na ng pagbabago, ilang mga katanungan at hinaing ang nilalaman ng Notebook niya….

           “Bakit pa ba nabubuhay kung parang wala namang kinatutunguhan? Para magtrabaho at kumita lamang ng barya?
                                                                                                                                                    
Oo, graduate siya…. Degree holder siya at nag-aral sa Manila pero sa kabila nito para bang nasa kahon pa din ang kanyang hinaharap. Ano nga ba ang tunay na basehan ng KAUNLARAN?

           “Nakakaiyak isiping yung mga ibang Bachelor na graduate din sa isang Unibersidad ng Manila ay maayos-ayos na ang buhay… hanep sa porma. Bata pa pero kung pumorma ay parang pensiyonado na… umuunlad eh. Maganda ang hanapbuhay, naka-ipon ng lakas ng loob at kumpiyansa sa sarili... may KAUNLARAN. Daig ko pa ang umakyat sa napakataas na Condominium tuwing naihahalintulad ko ang sarili ko sa kanila... NAKAKALULA. Sobrang nakakalula at sobrang nakakaiyak na sa ngayon wala pa ding magagawa para tuluyang mabago ang sitwasyon.

            MABUHAY NG MAUNLAD? Lahat naman yan ang pinapangarap.  Kahit pa ang taong nakikitira sa bahay ng gagamba, kapag inalok ng dagang tumira sa bahay niya, tiyak sasama. Sino ba naman ang may gusto nang walang-wala? Di ba wala namang nagnanais na manatili sa kawalan at patuloy na gumawa ng wala?

           “Alam ko madami din ang nakadadama at nagdadala ng hangarin na nasa puso ko rin sa ngayon. Kaya kung sino man ang makabasa nito, gusto kong mapaunawa sayo na hindi ka nag-iisa. Kapwa natin nadarama ang uhaw sa mas maunlad at mas mainam na pamumuhay. Kapwa natin gustong maabot ito... Kapwa natin gustong umasenso.

          Subalit, sa kabila ng pagsusumikap, sadyang kay saklap ng buhay dito sa mundo… kahit ikaw na gutom sa kaunlaran, mangingibabaw pa din ang diskriminasyon. Hindi yun nawawala. Parte yun ng bulok na sistema ng mundo maski pa kung ang diskriminasyon na ito ay galing sa mga taong inaasahan mo.

       “Ngunit ang daan sa pag-asenso ay hindi ganoon kadali. Lahat ng bagay ay dapat paghirapan bago tuluyang makamtan.
            Wala na yatang mas sasakit pa sa pakiramdam na hindi ka buo, na tila sa estado mo ngayon ay di ka kumpleto. Yung pakiramdam na tila may ibubuga ka pa sa iyong larangan pero di mo ito mailabas sa iyong katauhan hindi dahil sa wala kang sapat na kakayahan... kundi dahil wala kang sapat na pagkakataon. Naranasan at nararanasan ko din yun gaya ng ibang tao na tulad ko ding hangad ang mabuhay ng maunlad sa mundo. Kay saklap mabuhay na tipong walang-wala ka. Yung tipong nagmahal ka pero sinaktan ka, lumaban ka pero talunan ka... at noong napansin mong dapang-dapa ka na, pilit kang bumabangon pero pilit ka pa ding hinihila pababa, pilit ka pa ding tinataob at tinutumba hanggang maidapa ka ulet sa masalimuot mong pinagdaanan... sa masalimuot mong pinagmulan.
Buti pa ang ordinaryong bagay na walang puso at kaluluwa, gaya ng Notebook… kahit paulit-ulit mong gamitin, hindi ka gagantihan… kahit paulit-ulit mong kuberan, hindi ka susumbatan… kahit paulit-ulit mong punitin, hindi ka iiwan… at kahit pa nilalaman niya ang halos buong kuwento ng buhay mo, hindi ka huhusgahan, hindi ka tatalikuran.

            Tila minsan natatabunan na ang tinatawag na RELASYON at maging ang pagiging tao dahil sa labis na paghahangad ng mas labis, dahil sa paghahangad ng pag-asenso. Ang paghahangad na maski eroplano ay kayang banggain maipakita lamang na mas mahusay siyang nilalang. Tila Titulo, katanyagan, at salapi na ang nagiging pangunahing basehan ng kaunlaran….. natatakpan na ang tunay nitong kahulugan.

            Isa lamang si millCa sa napaka daming Pilipino o maging ibang lahi ang nakadarama ng tila sadyang kalupitan ng mundo. Si millCa na minsan ding nahalikan ang lupa sa kabila ng pagsusumikap ng kanyang mga magulang na mapag-aral siya ng halos labing pitong taon sa Pribadong paaralan.


            “Isa sa Unibersidad sa Manila ang pinanggalingan ko.... ngunit sa hindi maipaliwanag na dahilan, pagkatapos ko sa ganoong hakbang, pangalawa sa mga naging hanapbuhay ko ay parte ng Probinsiya na matatagpuan sa tagong lugar ng Cavite. Sa expresyon ng kanilang mga mukha, ramdam kong hindi alam ng karamihan kung matatawa sila o maiinis dahil sa tinahak kong landas. Nag-aral sa Manila para lamang mag trabaho sa Probinsiya. Kung tutuusin, pati ako ay natawa din sa sarili ko. Nainis din. Napahiya din.

Sa tagong Lugar na parte ng Cavite, doon umiikot ang mundo ko.... sabi nga nila Probinsiya daw. Walang pera kumpara sa kumpanyang parte ng Manila o Makati. PROBINSIYA daw - lugar na tila malayo sa basehan ng kaunlaran.

Sa pinaka nauna kong ilang mga araw bilang bahagi ng nasabing kumpanya, napansin kong hindi ganoon kaayos ang pakikitungo ko sa mga taong kinasasakupan din nito maski pa sa mga nadatnan kong empleyado na mas dapat lamang na irespeto dahil sa tagal na ng kanilang serbisyo sa naturang kumpanya. Marahil, nadala nanaman ako ng takot sa mga pagkakataong ito. Takot. Takot na muling lamunin ng diskriminasyon, mapuna ang mga kahinaan, at hindi na muling maigalang.

Ngunit... ilang araw pa, ilang linggo pa, at ilang buwan pa ang lumipas... tila unti-unting nawawala ang piring sa aking mga mata; tila unti-unting nagkakaroon ng ibang kulay sa aking mga paningin ang dating ordinaryong probinsiya, maski ang mga ordinaryong tao sa labas ng kumpanya katulad ng mga nagtitinda ng taho, taga-timpla ng kape, at mga mambo-bote. Dahan-dahan ko silang nakita bilang isa sa mga nagtutulak sa akin papunta sa ‘realidad’… na ang KAUNLARAN ay hindi tungkol sa mga naipon mong salapi, o katanyagan, o mga pangarap na nabigyan mo na ng katuparan.. kundi nagsisimula sa mga simpleng bagay na kaya mong gawin ngayon; na pwede mong gawin ngayon, at higit sa lahat, na nanaisin mong gawin ngayon. “There are no small roles, only small actors.” –ika nga. Sadyang kahit sino pa man ay maaaring makapanakit ng paulit-ulit, maaaring mananggal ng natitira mong pag-asa, ngunit anu pa man ang maging tingin nila, hindi ito nangangahulugang nararapat na lamang na itigil ang nasimulang laban... ang laban na patungo sa mainam na pagbabago at kaunlaran.
            Unti-unti kong nasisilayan maging ang kahalagahan ng bawat lugar maski pa ito ay nasa pinaka tagung-tagong sulok ng mapa. Sapagkat sa isang lugar na tinahak ko, doon ko nalaman ang mga bagay na di ko natutunan sa paaralan o maging sa sobrang matataas na lugar na tinitingala ng karamihan. Mula sa mga simpleng taong katulad ko din at katulad din ng karamihan na hangarin din ang umunlad... Di ako makapaniwalang sa Probinsiyang ito, kung saan binubuo ng ilang tao na tila mediocre ang tingin sa sarili at sa estado sa lipunan, doon ko pa natagpuan ang mga bagay na walang halaga ang maaaring maipalit... mga bagay na walang halaga ng salapi ang maitutumbas. Ang mga taong karapatdapat lamang na manatili kailanman sa pahina ng Notebook ko.



Ito ang kuwento ko. Sa likod ng isang katauhan ng nag-nga-ngalang “millCa”…







Ako  si  Camille.




Sinulat noong: October 11, 2012 ]


Share/Bookmark


NOTE: For comments, do not use 'add a comment' via facebook. It wouldn't be received by the blogger. Use default instead by clicking 'x comments' and/or 'Post a comment' below:


No comments:

Post a Comment

Blog Archive

All Rights Reserved!
 
It is the PRINCIPLES that mold the REALITY...
Copyright (c) 2008